25/09/2026
ANG KWENTO SA LIKOD NG BILAO🤎✨
Nakita ko ulit itong lumang sipi ng Kaunlaran Magazine. Panayam ni Ka Louie Tabing ng Pangkat Kaunlaran kay Tatay - Ka Itong San Vicente, 71 taong gulang noon.
Sabi ni Tatay sa interview:
"Noong ako'y edad na katorse anyos, ako po ang katulong ng nanay ko. Sasabihin sa akin ng nanay na magtabi ng isang pitsel ng gata at isang galon ng kakang-gata."
Nang mawala si Nanay, yung mga suki ni Nanay ang naiwan sa kanya. Hanggang sa dumami nang dumami.
Ang natutunan namin sa kanya ay hindi lang kung paano gumawa ng sapin-sapin🤍 — na dapat malambot na bigas lang, tamang timpla at tamang pagpapasingaw. Kundi kung paano magpahalaga sa lasa at sa tao.
Kapag may nagtanong kung ilang niyog ang inilalagay, sagot niya "apat o lima". Pero nung sinabi ng isang Mayor na "gawin mong anim," doon niya nahanap ang pinakamasarap na timpla. 2 1/2 kilong kakang-gata mula sa 6 na niyog — yun ang naging sikreto ng toppings ng bibingka natin hanggang ngayon.
At higit sa lahat, ang bilin niya sa mga tindera: Huwag pauuwing bigo ang customer. Kung walang bibingka, ialok ang ibang produkto. Kung kaya maghintay, igawa ng espesyal para sa kanila. "Gawan ng paraan na makuha ang kanilang kailangan."🤎
Kaya pala umabot sa abroad ang kakanin ni Tatay. Hindi lang dahil masarap, kundi dahil may puso sa paggawa.❣️