14/07/2025
BaNa Farm: Kwento ng Panibagong Simula 🌱
Nagsimula ang lahat nang kaming tatlo ay sabay-sabay na naghanap ng panatag, tahimik, at masayang bagong simula-malayo sa stress ng aming kani-kaniyang propesyon. Kaniya kaniya kaming may mga bagong simula at sabay-sabay din naming natagpuan ang saya at kapayapaan sa agrikultura.
Mula lang sa panonood ng YouTube, unti-unti naming binuo ang kanya-kanya naming mga farm. Si Pader, bumalik sa farming at kami ay unti unting nag-aral at nagsimula ng aming maliit na taniman. Magkakaiba man ang plano naming lahat, nagkakaisa kami ng layunin: ang makabalik sa simpleng pamumuhay na panatag at masaya.
Hanggang isang biyahe papuntang Baguio ang naging simula ng mas malalim na pagkaka-ugma ng aming mga puso. Sa gitna ng malamig na hangin at mahabang byahe, hindi kami inantok-kundi napuno ng kwentuhan tungkol sa mga tanim, kambing, at ang ligaya ng buhay-bukid. Parang bawat kilometro ay binabaybay namin kasabay ng paghubog ng panibagong pangarap.
Pagbalik namin, naging buo ang aming pasya: magsama-sama sa iisang farm, magtulungan, at sabay-sabay na iwan ang mundo ng stress upang yakapin ang agrikultura. Sabi nga ni Pader, “Pagka sama-sama, mas malaki at mas maganda ang ating magagawa.”
Sa loob ng anim na oras pauwi mula Baguio hanggang Batangas, naihabi na namin ang plano para sa aming bagong landas-isang negosyong puno ng layunin, at higit sa lahat, masaya naming gagawin.
Pero may isang bagay kaming hindi agad nahanap: pangalan. Ilang minuto na lang pauwi sa bahay, wala pa rin kaming maibot na ideya. Hanggang sa nasabi namin na, “Bahala Na.” At doon, natawa kami… BaNa! Kaya ipinangalan namin ang farm na ito na "BaNa Goat Farm."
Pero nang saliksikin namin, mas lalong tumibay ang loob naming ipaglaban ito-dahil ang “BaNa” ay may mas malalim na kahulugan.
BaNa Farm is more than just a name.
Ito ay sumisimbol sa pagkakaisa ng pamilya, pagyakap sa kalikasan at pagsisimula ng panibagong yugto na puno ng pag-asa.
Sa kultura ng Vietnam, ang Ba Na ay tumutukoy sa isang katutubong pamayanan na namumuhay nang malapit sa kalikasan-may paggalang sa lupa, sa kalikasan, at sa komunidad. At dito namin nakita ang sarili naming layunin.
Hindi lang kami nagpapalahi ng kambing sa BaNa Farm-dito rin tumutubo ang kultura, pamilyang magkakapit-bisig, at ugnayang likas sa lupa at buhay.
Sa loob lamang ng tatlong buwan, marami na kaming naitanim at nasimulan. Ngunit higit sa lahat, buhat namin ngayon ang mga unang bunga ng aming tinawag noong una na “Bahala Na.”
Ngunit sa totoo lang, hindi pala ito “Bahala Na!”
Ito ay “Bauan Na!” - panawagan na kami ay muling buuin, magsama-sama, lumago, mabuhay at sumibol dito sa bayang ito na tahanan ng BaNa Goat Farm!🌿